Hinanapan ng kasagutan ni Senator Leila de Lima ang pagkakaipit ng P5 bilyon na dapat ay ipamamahaging ayuda sa mga driver at operator ng mga pampublikong sasakyan.
Diin ni de Lima libo-libong tsuper at operator ang nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya at marami sa kanila ang namalimos na lang sa kalsada para may ipang-buhay sa kanilang pamilya.
Aniya malaking tulong ang inilaan na P5.58 bilyon ayuda sa kanila ngunit ang masaklap para sa mga driver at operator ay isang porsiyento lang ang naibigay ng Land Transportation Franchising & Regulatory Board (LTFRB).
“Patunay lang ito sa kawalang malasakit ng rehimeng Duterte na nagsabi mismong wala siyang pakialam at magtiis sila sa hirap at gutom,” diin ng senadora.
Paalala lang niya sa LTFRB na hindi pa tapos ang pandemya at maaring matagal pa bago ito magwawakas.
“Tama na ang palusot. Kahit pagbali-baligtarin ang anggulo at propaganda ninyo, malinaw na kulang na kulang ang nakararating na ayuda. Maawa kayo, huwag nyo namang hayaang tuluyang malubog sa kumunoy ng utang, gutom, at hirap ang matagal nang kapos na kapos at naghihikahos,’ pagtatapos ni de Lima.