Walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na tanggapin ang resignation ni Health Secretary Francisco Duque III.
Pahayag ito ng Pangulo matapos madawit na naman sa panibagong kontrobersiya si Duque nang punahin ng Commission on Audit ang P67 bilyong COVID fund na inilaan ng pamahalaan.
Ayon sa Pangulo, noon pa man, batid niya na gusto na ni Duque na magbitiw sa puwesto.
Pero ayon sa Pangulo, hindi niya ito tatanggapin lalo’t wala naman daw ginagawang masama ang kalihim.
“Alam ko gusto mo nang mag-resign, pero alam mo rin na tatanggihan kita ngayon. Noon you have attempted to resign twice. I expect you to say something to me after this, mag-resign ka. Sabihin ko sa iyo, hindi. Wala ka namang ginawang masama. Bakit ka mag-resign? Kung hanapin nila diyan kung mayroon silang makita. In the end, if you find that there is — mga nawala diyan, mga 500 pesos, eh ‘di magdemanda kayo, punta ng Supreme Court. The Supreme Court will be a fair arbiter of things,” pahayag ng Pangulo.
Matatandaang nabalot na rin ng kontrobersiya si Duque nang kwestyunin sa Senate hearing ang mga overpriced na pagbili ng mga personal protective equipment na ginamit ng mga healthcare workers sa pagtugon sa pandemya sa COVID-19.