Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na mahigpit na sundin ang mga health protocol kasunod ng pagkakatalaga ng unang kaso ng COVID-19 Lambda variant sa bansa.
Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar, may isang indibiduwal pa rin ang patuloy na nagbabalewala sa minimum public health safety at iba pang quarantine protocols.
“Nakakalungkot na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 at sa kabila ng paulit-ulit nating pakiusap at babala, patuloy din na tumataas ang bilang nga mga violators na aming nahuhuli lalo na sa Metro Manila at sa apat na karatig na probinsya nito,” saad ng hepe ng pambansang pulisya.
Dagdag pa nito, “Subalit hindi susuko ang inyong PNP sa pagpapatupad ng mga quarantine protocols dahil isa ito sa nakikita naming epektibong paraan upang kontrolin ang paglaganap ng kahit anumang variant ng COVID-19.”
Maghihintay lamang aniya ang PNP sakaling may ipatupad na karagdagang aksyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Disease.
Ipinag-utos din nito sa lahat ng pulis na tumutok sa magiging lagay ng kondisyon kasunod ng naitalang bagong variant sa bansa.
Sa ngayon, tiniyak ng PNP Chief na patuloy nilang ipinatutupad ang quarantine protocols upang maiwasan ang pagkalat ng nakahahawang sakit.
“Nariyan pa din ang Delta at iba pang variants na maaari nating makuha kung hindi tayo mag-iingat. Sa ngayon, magpapatuloy ang PNP sa pagpapatupad ng mga guidelines sa ilalim ng quarantine classifications na mayroon tayo,” ani Eleazar.
Saad pa nito, “We will not give up in protecting the lives of the Filipino people at the expense of our own safety because there are still a greater number of responsible and law-abiding people who bank on their PNP as their line of defense, as their shield against the threat of the COVID-19.”
Sinabi ng Department of Health (DOH) na isang 35-anyos na babae ang unang kaso ng Lambda variant sa bansa ngunit gumaling na ito.