Ayon kay Dr. Erbe Bugay, Hospital Director ng Ospital ng San Jose del Monte City, totoong maraming pasyente sa lobby ng kanilang ospital dahil ito ang kanilang ginawang triage.
Dito aniya, sinasala ang pasyente kung anong serbisyong medikal ang ibibigay at upang malaman din kung COVID-19 suspect ang mga ito.
“Expected na may pasyente sa lobby kasi yun ang triage ng ospital, sa katunayan wala na talaga kami lobby dahil ginawa naming triage upang komportable ang mga pasyente, mga nurse at doctor,” saad ni Dr. Bugay.
Sa simula aniya ng COVID-19 pandemic ay mayroon silang tent kung saan sinasala ang mga pasyente pero sa kagustuhan ng pamahalaang lungsod na maging maayos ang mga naghihintay inilagay ito sa lobby.
Ang dati naman aniyang kinatatayuan ng tent ay ginawan ng structure upang doon pansamantala manatili ang COVID suspect na pasyente.
“Dati nga nasa labas ng ospital ang mga pasyente at ginawa lamang naming komportable sila dahil yun ang gusto nina Mayor Arthur Robes at Cong. Rida Robes,” dagdag ni Dr. Bugay.
Bukod pa sa pagiging triage ang nasabing lugar, may mga pasyente din aniya dito ang naghihintay upang ma-admit.
Mayroon din aniyang bahagi ng lobby ng ospital ang ginawa nilang lugar kung saan maaring manganak ang COVID-19 probable patient.
Mayroong 27 beds ang nasabing ospital sa hiwalay na gusali ang nagiging isolation ng mga tinamaan ng COVID-19 na maituturing na moderate to severe habang naghihintay na mailipat sa Bulacan Medical Center na mayroong Intensive Care Unit.
Dagdag pa nito, “May mga pagkakataon ng ana hindi na nadadala sa Bulacan Medical Center dahil gumagaling na ang pasyente at may iba naman na dahil severe eh namamatay habang naghihintay ng kami ng tawag para sila ilipat.”
Bilang level 1 hospital, wala aniya silang ICU kaya hindi nila kaya ang may malubhang COVID-19.