Inanunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may 32 Filipino na ang nakaalis ng Afghanistan kagabi, ilang oras matapos tuluyang bumagsak ang gobyerno sa kamay ng Taliban.
Sinabi ni Foreign Affairs Asec. Eduardo Meñez na may naiwan pang 130 Filipino sa Afghanistan at 19 sa kanila ay nakatakda na rin umalis.
Ang mga nakaalis ng Filipino ay inilipad sa Doha, Qatar at naghihintay na lang ng kanilang biyahe pauwi ng Pilipinas.
Itinaas na ng kagawaran ang Alert Level 4 dahil sa sitwasyon sa Afghanistan.
“The Department and its Foreign Service Posts in the region and beyond are exploring all avenues of cooperation and are closely coordinating with governments and international partners to guarantee their immediate and safe passage,” ang pahayag ng DFA.
Pakiusap din ng DFA sa mga naiwan na Filipino sa Afghanistan na samantalahin na ang repatriation program ng gobyerno at regular na makipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Pakistan.