Umapela si Senador Bong Go sa Department of Health na sagutin ang obserbasyon ng Commission on Audit na may kakulangan ang ahensya sa paggamit sa P67 bilyong COVID fund.
Ayon kay Go, chairman ng Senate committee on health, mahalaga na mabigyang linaw ang isyu lalo na at nahaharap sa pandemya ang bansa sa COVID-19.
“Bilang Chair ng Senate Committee on Health, lagi kong ipinapaalala sa mga ahensya na siguraduhing nagagamit nang maayos at tama ang pondo ng taumbayan, lalo na ngayon na tumataas na naman ang kaso ng COVID-19. Walang dapat masayang, lalo na’t patuloy ang ating pagbabakuna at pagsugpo sa pandemya,” pahayag ni Go.
Binigyang diin ni Go na mahalagang maisalba ang buhay ng tao.
“Bawat araw, bawat oras, bawat minuto at bawat piso ay mahalaga dahil habulan itong laban na ito. Huwag dapat mawala ang focus natin sa tunay na kalaban — ang COVID-19. Kasama na d’yan ang hirap at gutom na dala nito,” pahayag ni Go.
Hindi na aniya dapat na magpatumpik-tumpik pa ang DOH at ipaliwanag kung paano ginastos ang pondo.
“Kaya kung may ganyang mga isyu na kailangang sagutin, ipaliwanag na dapat ito kaagad sa taumbayan sa klaro, kumpleto at madaling maintindihan na paraan. Kapag naresolba ang mga iyan, mas matutukan natin ang pagsiguro ng sapat na gamot, bakuna, at serbisyo para makasalba ng buhay ng mga may sakit,” pahayag ni Go.