Kunimpirma ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano na mayroon ng isang kaso ng COVID-19 Delta variant ang naitala sa siyudad.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Soriano, galing sa Department of Health ang naturang kumpirmasyon.
Ayon kay Soriano, maaring madagdagan pa ito dahil ang isang nag-positibo sa Delta variant ay may mga kasama rin sa bahay na positibo sa COVID-19.
“Mayroon na po kaming Delta variant as of the other night. Na-confirm po sa akin ng DOH, we have already one. But I am sure as the sun rises in the east, it’s not only one because may mga kasama po siya sa bahay nila na nag-positive, only, siguro hindi napadala iyong sample niya sa Genome Center po natin, so hindi napasama sa genome sequencing. But I’m almost sure, more than one po ang Delta variant na dito sa Tuguegarao,” pahayag ni Soriano.
Sa ngayon, sinabi ni Soriano na nakarekober na ang nag-positibo sa Delta variant pero tuloy pa rin ang contact tracing.
“Ang medyo problema po natin doon sa nagkaroon ng Delta variant, noong July 13 pa siya nalaman na positive. So naka-recover na siya ngayon, at kahapon inumpisahan na po iyong contact tracing at saka iyong history ng tao. So wala pa pong klaro kung ano ho iyong tunay na pangyayari, but July 13 pa nalaman namin sa listahan po namin, July 13 pa na nag-positive iyong tao. Tatlo sila sa bahay nila, positive din po iyong girlfriend niya at saka iyong sister-in-law niya,” pahayag ni Soriano.
“But sa tingin ko, ang napadala po ng DOH na sample is iyong kaniya, nagkataon na iyong kaniya iyong napadala sa Genome Center kasi hindi naman po lahat pinapadala sa Genome Center, alam naman po natin iyong limitasyon po natin sa genome sequencing,” pahayag ni Soriano.
Sa kasalukuyan, nasa 733 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Tuguegarao City.