Isang linggo bago ang pagtatapos ng pagpapairal ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), napagkasunduan na ng 17 Metro Manila mayors na palawigin ang pinakamahigpit na quarantine restriction hanggang sa katapusan ng buwan ng Agosto.
Ito ang ibinahagi ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na siya rin namumuno sa MMC.
Aniya, nagkasundo ang mga alkalde na magpapatuloy ang ginagawa nilang hakbang para mapababa ang COVID-19 cases sa Kalakhang Maynila.
Nangangahulugan din aniya na hanggang sa pagtatapos ng Agosto, na itinuturing na ‘ghost month,’ walang karagdagang establisyemento ang papayagan na muling magbukas base na rin sa pamantayan ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Umaasa na lang aniya silang ng mga kapwa niya alkalde na makapagbukas ng mga negosyo sa pagtatapos ng ikatlong bahagi hanggang sa Kapaskuhan.
Isinailalim ang Metro Manila sa ECQ, sa ikatlong pagkakataon sa loob 17 buwan, noong Agosto 6 at magtatapos sana ito sa Agosto 20.
Ginawa ang hakbang sa layong mapigilan ang paglobo ng COVID-19 cases at dahil na rin sa pagtindi ng banta ng Delta variant ng nakakamatay na sakit.