Sa 27 pahinang kautusan, iniutos ni Ombudsman Conchita-Carpio Morales ang pagsasampa ng kaso kay Olaño sa Sandiganbayan para sa 3 counts ng malversation, 3 counts ng graft at direct bribery.
Kapwa akusado ni Olaño ang mga opisyal ng Technology Resource Center (TRC) na sina Antonio Ortiz, Dennis Cunanan, Maria Rosalinda Lacsamana, Francisco Figura, Marivic Jover, Maurine Dimaranan at Consuelo Espiritu, Department of Budget and Management officials Mario Relampagos, Rosario Nuñez, Lalaine Paule at Marilou Bare, Philippine Social Development Foundation, Inc. (PSDFI) President Evelyn de Leon, Countrywide Agri and Rural Economic Development Foundation, Inc. (CARED) President Mylene Encarnacion gayundin sina Janet Lim Napoles at Eulogio Rodriguez.
Hindi naman kinagat ni Morales ang paliwanag ng mga akusado dahil maliwanag aniya na may nagawang kasalanan sa batas ang mga ito kaya dapat lamang silang makasuhan.
Nadiskubre ng Ombudsman na ang PDAF ni Olaño na may halagang P7.97M ay naipagkaloob sa PSDFI at CARED sa pamamagitan ng TRC bilang implementing agency.
Batay sa imbestigasyon ng Ombudsman, ang mga proyektong pinaglaanan ng pork barrel ng dating mambabatas ay hindi naipatupad tulad ng financial assistance para sa farm implements, livelihood materials at pagsasanay kung saan si Olaño ay tumanggap umano ng komisyon sa mga sinasabing proyekto ng halagang 3.175 milyong piso mula kay Janet Napoles.