Sen. Go sa DOH: Ipaliwanag ang mga obserbasyon ng COA ukol sa palpak na paggasta ng COVID-19 fund

Pinaalahanan ni Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Health (DOH) na malinaw na ipaliwanag ang mga naisapublikong obserbasyon ng Commission on Audit (COA) sa maling paggasta ng pondo para sa COVID-19 response.

Ginawa ito ni Go para aniya hindi naman madiskaril ang ikinakasang pagtugon ng gobyerno sa pandemya.

“Walang dapat masayang lalo na’t patuloy ang ating pagbabakuna at pagsugpo sa pandemya. Bawat araw, bawat oras, bawat minuto, at bawat piso ay mahalaga dahil habulan itong laban na ito. Huwag dapat mawala ang focus natin sa tunay na kalaban — ang COVID-19, kasama na d’yan ang hirap at gutom na dala nito,” sabi ng senador.

Dapat aniya ang anumang isyu na may kinalaman sa pagharap sa pandemya ay agad nareresolba.

Dagdag pa ni Go, na siyang namumuno sa Senate Committee on Health, lagi niyang ipinapaalala na nagagamit ng maayos at tama ang pondo ng taumbayan.

Naiintindihan aniya niya ang posisyon ng COA at mandato nito na busisiin at tiyaking maayos na nagagamit ang pondo ng mga ahensiya ng gobyerno.

“Kaya kung may ganyang mga isyu na kailangang sagutin, ipaliwanag na dapat ito kaagad sa taumbayan sa klaro, kumpleto at madaling maintindihan na paraan. Kapag naresolba ang mga iyan, mas matutukan natin ang pagsiguro ng sapat na gamot, bakuna, at serbisyo para makasalba ng buhay ng mga may sakit,” diin ng senador.

Read more...