Naniniwala si Senator Leila de Lima na maraming oportunidad sa tamang pagtugon sa pandemya ang nakalagpas dahil sa maling paggamit ng P67 bilyon pondo ng Department of Health (DOH).
Diin ng senadora, ang pera ay maaring ibinigay na lang para sa mga benepisyo ng health care workers, ipinambili ng mga kagamitan para sa COVID-19 patients at ayuda sa mga nawalan ng trabaho.
Bukod pa diyan, ayon pa rin kay de Lima, ay maaring ibinili ng mga pagkain para sa mga nagugutom o pantulong sa mga estudyante.
“COA na mismo ang nagpatunay na palpak si Duterte sa pagpapa-tupad ng programa at paggamit ng pondo laban sa COVID,” sabi pa nito.
Puna pa niya, kung may pondo na hindi nagasta, may pondo rin na nagamit ngunit kuwestiyonable naman dahil sa kulang ang mga dokumento.
Dagdag pa nito, taliwas ito sa ipinangako noong 2016 ni Pangulong Duterte na maayos at malinis na pamamahala.