Nakakuha ang paksyon ng PDP-Laban na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi ng kopya ng sinasabing ‘minutes of the meeting’ ng People’s Champ Movement (PCM) na pinamumunuan naman ni Senator Manny Pacquiao.
Sinabi ni PDP-Laban Sec. Gen. Melvin Matibag base sa dokumento na nakuha nila may balak ang PCM na makilala bilang national political party.
Aniya ito ay matibay na basehan para patalsikin sa kanilang Partido si Pacquiao.
Magugunita na inalis si Pacquiao bilang pangulo ng PDP-Laban at ipinalit sa kanya si Cusi, bagay na hindi naman kinikilala ng una at ni Sen. Koko Pimentel, na dating pangulo ng Partido.
“Senator Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao’s latest punch has virtually created for himself a rabbit hole – one that could lead to his expulsion from Partido Demokratikong Pilipino – Lakas ng Bayan,” ang pahayag ng kampo ni Cusi.
Sa larawan ng ‘minutes,’ mababasa na kabilang sa napag-usapan sa pulong noong nakaraang Disyembre 20 ang pag-amyenda sa constitution and by-laws ng PCM.
Wala pang tugon ang paksyon ni Pacquiao sa pahayag ng kampo ni Cusi.