Nagpaalala si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar sa mga food delivery riders na istriktong sundin ang minimum public health safety standards at quarantine protocols.
Kasunod ito ng mga nakatanggap na ulat ng kaniyang opisina na ilang food delivery riders umano ang hindi tumatalima sa safety protocols habang naghihintay ng orders ng kanilang mga kliyente sa restaurants.
Kabilang sa mga napaulat ang hindi tamang pagsusuot ng face mask at may ilan din umanong nagsisigarilyo habang nasa waiting areas.
“Sa mga nakalipas na araw, ilang ulit na nakatanggap ang inyong PNP ng mga reklamo at sumbong tungkol sa mga paglabag ng mga delivery riders ng minimum public health safety protocols sa kanilang mga waiting areas sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila,” pahayag ni Eleazar.
“Dahil dito, inatasan ko na ang ating mga chiefs of police at station commanders na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga LGUs at pati na rin sa mga manager ng business establishments upang mahigpit na maipatupad ang mga protocols laban sa COVID-19,” dagdag ng hepe ng PNP.
Mahigpit aniyang sundin ang mga batas at ordinansa na ipinatutupad sa gitna ng banta ng COVID-19.
Samantala, nagpaalala rin ang hepe ng pambansang pulisya sa mga pulis na ipatupad ang maximum tolerance at kausapin nang mahinahon ang mga delivery rider na mahuhuling lumalabag sa mga panuntunan.
“Alam natin ang hirap at sakripisyo ng ating mga delivery riders ngayong pandemya. Pero kung may mapapansin ang ating kapulisan na mga riders na hindi sumusunod sa minimum public health safety standards at quarantine protocols ay tatawagin natin ang kanilang pansin at paalalahanan,” ani Eleazar.
Saad pa nito, “Hinihikayat natin ang ating mga kababayan na magreklamo at magpadala ng mga video at larawan sa pamamagitan ng E-SUMBONG at tinitiyak naming ang agarang aksyon dito.”