Kinumpirma na ng Department of Health (DOH) Region 7 na mayroon nng local transmission ng COVID-19 Delta variant sa Cebu City.
Ayon kay Dr. Mary Jean Loreche, ang DOH Region 7 chief pathologist at spokesperson ng Visayas Vaccination Operations Center, ang mga nagpositibo sa Delta variant ay walang history o record ng pagbiyahe o nagkaroon ng contact sa umuwing overseas Filipino workers.
“Sa ating datos ‘no na iyong mga nag-positive sa ating Delta variant are actually people who has no history of travel neither do they had histories of contacts with a confirmed positive Delta variant persons who is an OFW or an ROF. Kaya base po diyan, masasabi po natin na lahat po iyong nilabas ng Philippine Genomic Center na mga Delta variant cases natin dito ay we would say na local transmission po ito or community,” pahayag ni Loreche.
Base sa talaan ng DOH Region 7, 36 na kaso ng Delta variant ang naitatala sa Cebu.
Ayon kay Loreche, nakarekober na ang mga tinamaan ng Delta variant at karamihan sa kanila ay naging asymptomatic.
Itinuturong dahilan ni Loreche na kaya tumaas ang kaso sa Cebu dahil naging bukas na ang mga border at hindi na sumusunod ang mga tao sa minimum health protocols na inilatag ng pamahalaan.
“Kasi considering na nga na 11 months tayo mahigit na naging MGCQ, ang mga tao kasi para bang nagkaroon na ng COVID fatigue and then very open ang ating mga borders so nawala po masyado iyong pagiging istrikto nila sa kani-kanilang mga sarili upang sundan iyong ating tinatawag na mga public health standards,” pahayag ni Loreche.
“Pangalawa po, mapapansin din natin na itong mga may bakuna na ‘no lalung-lalo na iyong medyo mga kabataan pa, nakalimutan nila na to be completely vaccinated is not a… you know, a license for them not to be, you know, being in a mass gatherings; papasok sa mga videokes or mga bars ‘no at having a good time – ‘yan nakalimutan nila iyan, isa din siguro sa puwede nating tingnan. Pangatlo din po ay iyong aming lack of border controls talaga, para bang bukas na bukas tayo, kahit sino puwede lang naman pumasok except ang Cebu City na nagri-require talaga ng test protocol ‘no,” pahayag ni Loreche.
Sinabi pa ni Loreche na nagkaroon ng delay para tugunan ang pag–akyat ng kaso.
Nagkaroon kasi aniya ng problema sa critical care utilization dahil sa kakulangan ng healthcare workers.