Palasyo, humirit sa WHO na magkaroon ng standard vaccination card

Humihirit ang Palasyo ng Malakanyang sa World Health Organization (WHO) na magkaroon ng standard vaccination card na tatanggapin kahit saang bansa.

Pahayag ito ng Palasyo matapos ang ulat ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na hindi kinikilala ng Hong Kong government ang vaccine card ng overseas Filipino workers na ibinigay ng local government units sa Pilipinas.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, naiparating na niya sa Department of Health (DOH) na makipag-ugnayan sa WHO para sa standard vaccination card.

Pero sa ngayon, may mga ginagawang paraan na ang mga pribadong sektor para maayos ang naturang gusot sa Hong Kong.

Habang wala pang standard vaccination card, sinabi ni Roque na maari namang makipag-ugnayan ang mga indibidwal na lalabas ng bansa sa Bureau of Quarantine para makapagparehistro ng yellow book.

Ang yellow book aniya ang nagsisilbing opisyal na vaccination card ng Pilipinas.

Read more...