Inumpisahan na ng pamahalaang-lungsod ng Maynila ang pamamahagi ng P1,000 sa bawat kuwalipikadong benipesaryo ng ‘ECQ ayuda’ na mula sa pambansang gobyerno.
Sinabi ni Re Fuguso, hepe ng Manila Social Welfare Services, P1.4 bilyon ang ibinigay sa kanila ng pambansang gobyerno at ito aniya ay mababa sa unang naibigay na P1.52 bilyon noong nakaraang Abril.
Ngunit aniya may stand-by fund naman sila base sa utos ni Mayor Isko Moreno Domagoso sakaling magkulang ang ipamamahaging tulong pinansiyal sa mga lubhang apektado nang pagpapa-iral muli ng enhanced community quarantine.
Sa pamamahagi sa Jose Abad Santos High School, 1,200 pamilya ang tatanggap ng tig-P4,000.
Samantalang sa buong lungsod, 380,000 pamilya ang kuwalipikadong tumanggap ng ECQ ayuda.
Nabatid na may itinalagang 85 lugar sa buong Maynila kung saan ipamamahagi ang ayuda.