Ipinagtanggol ni Cavite Governor Jonvic Remulla si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga pambabatikos at pangungutya sa kanya dahil sa mga kumalat niyang lumang ‘bikini photos.’
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Remulla na hindi naman ginawa ni Moreno ang mga ‘provocative poses’ noong siya ay konsehal, vice mayor o mayor ng Maynila.
“Hindi ito isyu. What’s important is that Yorme NEVER LIED, DID NOT STEAL, KILL, nor did he ever bring shame to the great people of Manila as a public servant,” diin ng gobernador.
Ayon pa sa kanya alam naman ng publiko na galing sa pagiging ‘isang kahig, isang tuka’ ni Moreno at nag-artista ito upang maiahon sa hirap ang kanyang pamilya.
Pagdidiin pa ni Remulla, ang panghuhusga sa mga politiko ay dapat base sa kanyang abilidad na maglingkod at hindi dapat pinupuna ang kanyang karakter base sa kanyang nakaraan.
Wala naman aniya nilabag na batas ang alkalde ng Maynila at hindi naman niya hinudas ang kanyang bansa.
“Walang personalan.Trabaho lang,” giit pa ni Remulla.