Pinaalahanan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang lahat ng mga tagapagpatupad ng batas na may proseso sa pag-aresto ng mga lumalabag sa health at quarantine protocols.
Aniya may joint memorandum circular ang DOJ, Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama ang PNP ukol sa sinasabi niyang proseso.
Sinabi nito ang paglabag sa minimum public health standards ay dapat base sa umiiral na batas o ordinansa.
Ayon kay Guevarra may mga batas o ordinansa na pinapayagan ang pagmumulta na lang sa paglabag o ang pagbibigay ng community service para hindi na maharap sa kasong kriminal ang mga lumabag.
Sa ganitong paraan din aniya ay maiiwasan ang pagsisiksikan sa mga kulungan at holding areas.
Kung kakailanganin naman na kasuhan ang lumabag dapat ay agad itong maiharap sa inquest prosecutor, na kinakailangan din na agad magdesisyon.
Dagdag pa ni Guevarra, ang mga lokal na pamahalaan naman ay obligado na magtakda ng malawak at open-air holding areas para sa ‘booking process.’