LOOK: PCG, nagpatrolya sa Bauan Bay matapos mapag-alamang COVID-19 positive ang ilang crew members ng isang barko

Screengrab from PCG Facebook video

Nagpatrolya ang Philippine Coast Guard (PCG) Station Batangas sa katibugang sakop ng Bauan Bay matapos makumpirma na 28 sa 82 crew members ng barkong St. Anthony de Padua ang positibo sa COVID-19.

Mula sa Caticlan sa Malay, Aklan bumiyahe ang naturang barko patungong Batangas.

Sinabi ng PCG na walang sakay na pasahero ang naturang barko.

August 7, 2021 nang makarating ang barko sa Batangas.

Dito nagsimulang makaramdam ng sintomas ng COVID-19 ang isa sa mga tripulante ng barko kung kaya’t agad siyang isinailalim sa RT-PCR test.

Base sa resulta, positibo sa nakakahawang sakit ang crew member.

Dahil dito, ipinasuri rin ang iba pang crew member at lumabas na 27 sa kanila ang tinamaan din ng COVID-19.

Sa tulong ng Provincial Health Office (PHO) ng Batangas, ibinaba ang tatlo sa 28 COVID-19 patients, na kasalukuyang naka-isolate sa San Juan Doctors Hospital, Golden Gate General Hospital, at Chateau Royale Kalinga Hotel.

Sinabi ng PCG Station Batangas na maayos pa rin ang kanilang kondisyon.

Samantala, hindi naman bumaba ng barko ang 25 pang crew member na nagpositibo rin sa COVID-19. Naka-isolate ang mga ito sa barko at nakakatanggap pa rin ng tulong medikal mula sa on board doctor.

Walang patid naman ang pagtutok ng PHO – Batangas sa pagbibigay ng mga kinakailangang tulong sa iba pang tripulante na nananatili sa naturang barko na naka-angkla sa Bauan Bay.

Read more...