Presyo ng gasolina at diesel bababa; singil ng Meralco ngayon Agosto tataas

Simula bukas matatapyasan ang presyo ng mga produktong-petrolyo.

 

Nag-anunsiyo na ang Shell, Cleanfuel, Petro Gazz at Caltex ng price rollback sa kanilang mga ipinagbibiling gasoline at krudo.

 

Bababa ng P0.70 ang kada litro ng kanilang krudo o diesel, samantalang P0.65 naman sa bawat litro ng gasoline.

 

Ang Shell at Caltex ay nagpasabi na rin na mababawasan ng P0.75 ang presyo kada litro ng kanilang kerosene.

 

Ang price rollback ay magiging epektibo ala-6:01 ng umaga bukas, maliban sa Caltex na isang minuto mamayang gabi ay epektibo na ang kanilang bawas-presyo.

 

Samantala, bukas ng alas-8:01 ng umaga gagalaw ang mga presyo sa Cleanfuel.

Inaasahan na susunod sa hakbang ang iba pang mga kompaniya ng langis.

 

Kasabay nito, inanunsiyo ng Meralco na tataas ang kanilang singil ngayon buwan ng Agosto.

 

Nabatid na P0.0965 kada kilowatt hour ang idadagdag sa kanilang singil bunga nang dagdag gastos sa transmission charge.

 

Sa mga nakakakonsumo ng 200 kilowatt hour, nangangahulugan ito ng karagdagang P19 sa kanilang buwanang bayad sa kuryente, P29 naman sa mga nakakakonsumo ng 300kwh, P39 sa 400kwh at P48 sa mga nakakagamit ng 500kwh sa isang buwan.

 

Ito na ang ika-limang sunod na buwan na pagtaas ng singil sa kuryente.

 

Read more...