DOH, nagpaalala laban sa fake news ukol sa pagbabakuna at ayuda

Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko ukol sa mga kumakalat na pekeng balita patungkol sa pagbabakuna at ayuda.

Kasunod ito ng pagdagsa ng mga tao sa mga vaccination site.

“Huwag po tayong maniwala sa fake news na ‘pag hindi nabakunahan walang ayuda o hindi papapasukin sa trabaho,” pahayag ng kagawaran.

Iwasan anila ang pagkakalat ng mga maling impormasyon dahil magdudulot lamang ito ng kalituhan sa publiko.

“Tuloy-tuloy ang ating pagbabakuna laban sa COVID-19 Umulan man o umaraw. ECQ man o GCQ,” giit pa ng DOH.

Pinaalala nito sa mga residente ang maayos na pagsusuot ng face mask at face shield, sumunod sa physical distancing, magdala ng alcohol at ballpen.

“Inaanyayaan rin namin ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng registration upang ma-manage ang dami ng tao na pumupunta sa mga vaccination site,” saad ng DOH.

Dagdag nito, “Hindi natin pwedeng hayaan na maging super spreader events and ating pambansang pagbabakuna lalo na at nandito na ang Delta variant.”

Read more...