Pumalag ang Palasyo ng Malakanyang sa banat ng mga kritiko na hindi proactive at naging reactive na lamang ang pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19 Delta variant.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mali na paratangan ang pamahalaan na huli na ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila mula August 6 hanggang 20.
Ayon kay Roque, isang linggo ang ibinigay na palugit ng pamahalaan sa publiko para paghandaan ang ECQ.
“Mali po iyan. Isang linggo nga naming binigyan ng palugit ang publiko para paghandaan po itong lockdown ng ECQ. Maling-mali po po iyan, hindi po tayo reactive; we are guided by science,” pahayag ni Roque.
Katunayan, sinabi ni Roque na tinutulan niya ang panukala na sa August 15 pa ipatupad ang lockdown.
Ayon kay Roque, maari kasing huli na ito at hindi na mapigilan pa ang pagtaas ng kaso ng Delta variant sa Metro Manila.