Pinagtibay ng Mababang Kapulungan ang dalawang resolusyong inihain para sa Olympic gold medalist at weightlifting champion na si Hidilyn Diaz.
Sa sesyon ng Kamara, in-adopt ng mga kongresista ang House Resolution 2041, na resolusyon ng pagbati, pagkilala at paggawad ng “Congressional Medal of Excellence” kay Diaz dahil sa makasaysayan nitong pagkapanalo ng gintong medalya sa 2020 Tokyo Olympics.
Ito ay ini-akda sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Inaprubahan na rin ng Kamara ang House Resolution 1981 para ma-institutionalize ang paggawad ng Congressionaal Medal of Excellence para sa national athletes na magwawagi ng gintong medalya sa Olympics.
Nauna nang sinabi ni Velasco na nararapat na gawaran ng pinakamataas na parangal mula sa Kongreso si Diaz dahil sa pagiging inspirasyon nito sa sambayanang Pilipino, lalo na sa mga kababaihang kabataan at mga atleta.
Kapag nagawaran na ng Congressinal Medal of Excellence si Diaz, ito ang magiging unang pagkakataon ng Kamara na magkakaloob ng naturang parangal.
Bukod sa mga naturang resolusyon, higit sa 10 pa ang inihain sa Kamara bilang pagbati at pagbibigay-pugay kay Diaz.