ECQ ayuda inihirit ni Sen. Bong Go sa Malakanyang

Ibinahagi ni Senator Christopher Go na nakausap niya si Pangulong Duterte para mabigyan ng ayuda ang mga lubos na maapektuhan ng muling pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).

Aniya nahirapan ang gobyerno sa pagdedesisyon na pairalin ang ECQ muli dahil na rin sa tumitinding banta ng Delta variant ng COVID 19.

Kailangan aniya na balansehin ang buhay at ekonomiya at kailangan na bigyan ng bigat ang kalusugan at kaligtasan.

“Kung kailangang ipatupad ang ECQ upang maagapan ang ‘sunog’ bago pa ito kumalat at maging out of control, iyon po ang pangunahing konsiderasyon ng gobyerno, patayin kaagad ang sunog bago pa kumalat at maging out of control. Dahil ayaw nating maging back to zero. Sayang po ang nasimulan na nating mga hakbang tungo sa ating muling pagbangon,” aniya.

Batid naman aniya ng gobyerno na marami ang mawawalan ng kabuhayan dahil may mga negosyo na muling magsasara at ang pinakaapektado ay ang mga tinatawag na ‘isang kahig, isang tuka.’

Dagdag niya dapat ay pagtiwalaan lang ang gobyerno at pagtitiyak niya na pipilitin na magkaroon ng sapat na pondo para may maibigay na ayuda sa mga pinakaapektado at pinaka-nangangailangan.

Read more...