Rules sa pagbibigay ng replacement ballot, nilinaw ng COMELEC

 

Twitter file photo/Dir. James Jimenez

Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga alituntunin sa pagbibigay ng replacement ballot sa mga botante sa darating na halalan.

Ayon kay COMELEC spokesperson James Jimenez, mabibigyan lamang ng ganitong pagkakataon ang isang botante kung hindi naman niya kasalanan kung bakit nire-reject ng vote counting machine (VCM) ang kaniyang balota.

Aniya pa, hindi bibigyan ng replacement ballot ang botante kung ang katwiran nito ay sumobra ang kaniyang boto o shaded oval, nagusot o nabasa ang balota, nasulatan ang ibang bahagi ng balota o kaya ay ibang oval ang kaniyang na-shade.

Ipinaliwanag naman ni COMELEC Chairman Andres Bautista na kaya nila ito pinayagan para mabigyan pa rin ng pagkakataon na makaboto ang mga botanteng may hawak ng balotang ni-reject ng VCM kahit hindi naman nila kasalanan.

Ayon kay Bautista, makakaramdam ng pagkadismaya o masasaktan ang mga botante kung sa kabila ng ilang oras nilang pag-pila ay hindi pala nila magagamit ang karapatan nilang bumoto.

Gayunman, isang beses lang mabibigyan ng replacement ballot ang isang botante, at kung sa pangalawang pagkakataon na iyon ay hindi pa rin ito tinanggap ng VCM, dito na nila kailangang mag-hain ng report ukol dito.

Ginawa ng COMELEC ang paglilinaw kasunod ng pag-tanggap nila ng kaliwa’t kanang batikos mula sa publiko at mga poll watchdogs na baka magamit lamang ito sa dayaan, at ang posibleng pagkakaroon ng kakulangan sa balota lalo na’t dahil one-is-to-one lamang ang ballot-to-voter ratio.

Maging sina Commissioners Christian Lim at Shariff Abas ay tinutulan ito, ngunit nanaig pa rin ang pagpapatupad nito na inaprubahan ng poll body noon pang April 12.

Read more...