Mga isinasangkot sa umano’y pinakahuling tanim-bala incident, inabswelto ng CIDG

 

Inquirer file photo

Abswelto na ang mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa hinalang pagkakasangkot sa tanim-bala scheme.

Kamakailan lamang ay lumutang ang ulat ng isa na namang kaso ng tanim-bala kung saan isang 75-anyos na si Salvacion Cortarbista, na patungo sanang Amerika, ang nabiktima.

Ayon kasi sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), base sa mga CCTV footages na kanilang na-review, tanging si Cortarbista lamang ang may hawak ng kaniyang shoulder bag na nakitaan ng bala, habang siya ay nasa loob ng paliparan.

Pero binanggit rin ng CIDG sa kanilang report na tanging ang wheelchair attendant na si Niño Namba lamang ang humawak sa bag ng biktima nang asistehan niya ito para ilagay ang bag sa conveyer belt ng x-ray machine.

Hindi rin maisasangkot ang mga security screening officers dahil hindi naman sila nangialam sa insidente.

Bukod dito, hindi rin mapatunayan ng pamangkin ng biktima ang sinasabi niyang sinubukan umanong mangikil ng isang airport personal sa kanila ng P50,000 para palusutin na lamang ang kanilang tiyahin.

Wala rin kasing taga-Office of Transportation Security (OTS) ang lumapit sa kanila matapos matagpuan ang bala sa bag ng biktima, at hindi rin maituro ng pamangkin ang tauhan na sinasabi niyang nangikil.

Dahil dito, inirekomenda ni CIDG-National Capital Region chief Senior Supt. Ronald Lee na maging “clear of any criminal and administrative liability” sina Namba, at ang mga tauhan ng OTS at Aviation Security Unit.

Read more...