Dismissal sa heneral na dawit sa gun license delivery, binaligtad ng Court of Appeals

 

Binaligtad ng Court of Appeals ang naunang desisyon ng Ombudsman na nagdi-dismiss sa serbisyo kay dating Firearms and Explosives Office Director, Chief Superintendent Raul Petrasanta.

May kinalaman ang kaso sa pagkakasangkot umano ni Petrasanta sa maanomalyang delivery contract ng mga lisensya ng baril ng mga licensed gun owners.

Sa 15 pahinang desisyon ng 15th Special division ng Appeals Court, pinaboran ng hukuman ang apela ni Petrasanta na baligtarin ang naunang desisyon ng Ombudsman laban sakanya.

Sa petisyon ni Petrasanta, iginiit nito na nagkamali ang Ombudsman nang sabihin nitong siya ang nagbigay ng akreditasyon sa Werfast Documentary Agency para magdeliver ng mga lisensya ng baril sa kabila ng pagkabigo nitong maabot ang karampatang criteria para makuha ang proyekto.

Paliwanag ni Petrasanta, si dating PNP Chief Alan Purisima ang may gustong i-accommodate ang Werfast para maging courier service provider.

Paliwanag ng Court of Appeals, isa lamang ‘subordinate’ ni Purisima noon si Petrasanta kaya’t hindi maaring pareho ang trato dito kay Purisima na nadismiss din sa pagka-pulis dahil sa kaparehong kaso.

Si Petrasanta rin mismo aniya ang kumontra sa panukala ni Purisima na gawing mandatory ang courier service delivery.

Sa halip, ginawa na lamang ni Petrasanta na optional service ang delivery service para sa mga may-ari ng baril na kukuha ng lisensya.

Read more...