Duterte, may P211-M na hindi dineklara sa SALN – Trillanes

 

 

Inquirer file photo/Marianne Bermudez

Ibinunyag ni vice presidential candidate Sen. Antonio Trillanes IV na mayroon umanong hindi bababa sa P211 million si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa isang account sa isang bangko na nasa Metro Manila.

Ang pagbubunyag na ito ni Trillanes ay tila sumasalungat sa sinasabi ng alkalde na isa lamang siyang hamak na mahirap na mamamayan.

Bilang isang alkalde, ang natatanggap na sahod ni Duterte ay P78,946 kada buwan base sa salary standardization law na itinakda ng Civil Service Commission.

Ayon kay Trillanes, hindi idineklara ni Duterte ang nasabing P211 million sa kaniyang statement of assets, liabilites and net worth o SALN.

Sa kaniyang 2014 SALN, idineklara ni Duterte na mayroon siyang net worth na P21,971,732.62, assets na nagkakahalagang P22,971,732.62, at P1-milyong halaga ng liability na utang sa isang Samuel Uy.

Mayroon aniyang joint account si Duterte at anak nitong si Sara na gamit pa ang apelyido ng kaniyang ina na Zimmerman, sa branch ng Bank of the Philippine Islands (BPI) sa Julia Vargas Avenue sa Pasig City.

Ayon pa kay Trillanes, tumanggap pa ng walong cash deposits sa nasabing account si Duterte na may kabuuang halaga na P197 million.

Ang mga nasabing transaksyon ay nagkakahalaga ng P55,131,747.32, P41,721,035.62, P16,852,832.94, P16,852,782.94 at apat na P20-million.

Natanggap umano ni Duterte ang mga nasabing pera sa mismong araw ng kaniyang ika-69 na kaarawan noong March 28, 2014.

Ani Trillanes, nakuha niya ang mga impormasyong ito mula sa isang mapagkakatiwalaang source na hindi na niya pinangalanan dahil kaya naman aniyang maberipika ang mga datos na ito.

Ang mali o hindi pagdedeklara ng SALN ay isang matinding basehan para sibakin sa serbisyo ang isang opisyal o tauhan ng pamahalaan.

Mariin namang itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon ni Trillanes.

Giit ni Duterte, isang ‘money for hire’ ang senador.

Wala rin siya aniyang balak na mag-isyu ng waiver para dahil ‘nonexistent’ ang naturang account.

Read more...