PAL, magbibigay ng discount sa domestic flights ng gobyerno

 

Inquirer file photo

Makakatipid na ng mahigit P1.3 bilyon ang pamahalaan sa kanilang mga gastusin sa mga pagbyahe taun-taon.

Ito’y matapos silang lumagda ng kasunduan sa Philippine Airlines (PAL) na magbibigay ng discounts sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno para sa kanilang mga official trips sa loob ng bansa.

Nakasaad sa general fares agreement sa pagitan ng PAL at ng Procurement Service-PhilGEPS ng Department of Budget Management (DBM), mabibigyan ng 8 percent discount sa economy class reservations at 10-percent discount naman sa business class reservations ang mga kawani ng pamahalaan.

Bukod dito, may perks din itong kasama na karagdagang baggage allowance at pagkaka-waive ng P250 processing fee kada ticket pati na ang fee para sa unang rebooking.

Ayon sa pahayag ng DBM, 23 ahensya ng gobyerno ang masasakop ng nasabing kasunduan.

Dahil sa discounts sa reservations ng economy class airfare, makakatipid ang pamahalaan ng P830.9 million kada taon, habang ang waiving naman ng processing fee ay magreresulta ng P519.4 milyong tipid sa pondo.

Read more...