Ayon kay PAGASA weather specialist Ana Clauren, kalat-kalat na mahihina na kung minsan ay malakas na buhos ng ulan ang mararanasan sa Ilocos region, Batanes, Babuyan Islands, Benguet, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.
Kasabay nito, pinag-iingat ng weather bureau ang mga residente sa nasabing lalawigan na maging maingat sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, nabawasan na ang nararanasang pag-ulan.
Gayunman, magiging makulimlim pa rin ang kalangitan na magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan sa gabi.
Sa Visayas at Mindanao naman, magiging maaliwalas pa rin ang panahon subalit maaring makaranas ng isolated rains.
Sinabi ni Clauren na walang inaasahang mabubuong sama ng panahon o bagyo sa loob ng teritoryo ng bansa sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw.