Binaha ang ilang bayan sa Bataan dahil sa patuloy na nararanasang buhos ng ulan.
Dahil dito, nakiisa ang Philippine Coast Guard sa paglikas ng mga apektadong residente sa nasabing lalawigan.
Sa bahagi ng Barangay Pag-asa sa Bagac, nasa 70 residente ang inilikas bunsod ng walang tigil na pag-ulan.
Isinakay ang mga residente na karamihan ay kabataan at kababaihan sa ‘improvised floater’ dahil sa halos abot-dibdib na ang lebel na baha.
Dinala ang mga apektadong residente sa Bernabe National High School na nagsisilbing evacuation center.
Maliban dito, may dalawa ring pamilya na inilikas sa Barangay Panilao sa bayan ng Pilar.
Hinatid naman ang mga pamilya sa Pablo Roman National High School.
Sanib-pwersa sa operasyon ang PCG Regional Training Center – Bagac, PCG Auxiliary 109th Squadron, Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection (BFP).