Ibinahagi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang resulta ng kinomisyon niyang survey at aniya lumabas na 46 porsiyento ng rehistradong botante sa bansa ang nagsabi na hindi sila boboto sa 2022 elections kung mataas pa rin ang bilang ng COVID 19 cases sa bansa.
Sinabi nito na mga sumagot sa tanong na ‘Kung mataas ang bilang ng kaso ng COVID 19 sa inyong lugar o barangay sa araw ng eleksyon sa Mayo 22, kayo po ba ay lalabas at boboto o hindi?”
May 35 porsiyento na sumagot na sila ay boboto at 19 naman ang hindi sigurado.
“Hindi po natin sila masisisi kung ganun ang kanilang pangamba at posisyon. Mas mahalaga naman po talaga ang buhay kaysa sa pagboto,” pag-amin na rin ng senador.
Ngunit sinabi ni Zubiri na ang nakakatakot ay ang mauupong mga opisyal mula sa pangulo ng bansa hanggang sa konsehal ng lungsod o bayan ay hindi ang napili ng mayorya ng mga rehistradong botante.
“Hindi po natin nanaisin na mahalal sa ganyang kababa na voters turnout. Mahalaga po na ang magiging resulta ng eleksyon sa susunod na taon ay reflective of the true wishes of the electorate. Kung ano talaga ang pasya ng nakararaming botante, for it to become a credible election,” sabi pa nito.