Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang dalawang suspek sa Human Trafficking at Child Pornography sa isinagawang operasyon sa General Trias, Cavite.
Ayon kay NBI Director Virgilio Mendez nakatanggap sila ng tip mula sa kanilang Norwegian counterpart na may mga kasabwat na pinoy ang isang Norwegian National sa kaso ng Child Pornography.
Sa Bisa ng Search warrant na inisyu ni Judge Jaime Santiago ng Tagaytay RTC Branch 18 sinalakay ng mga ito ang pinagtataguan ng mga suspek na sina Carolina Muzar at Marvin Lorenzo.
Inabutan pa ng NBI International Operations Division at ng NBI-Human Trafficking Division at Cybercrime Division ang mga desktop computer system na naglalaman ng mga child pornographic materials at mga chat session sa mga dayuhan.
Limang menor de edad na biktima ang nailigtas mula sa mga suspek kabilang dito ang isang 9-Anyos na batang babae na kumpirmadong isa sa mga batang nasa pornographic videos.
Dinala na muna sa kustodiya ng DSWD ang mga bata.
Nahaharap naman sa mga kasong paglabag sa Anti-Child Pornography act, Anti-trafficking in persons act, Child abuse ang mga suspek na nasa kustodiya na ng NBI.