Sinabi ni Senator Leila de Lima na kung sinsero si Pangulong Duterte sa sinabi nito ang nais lamang niya ay ang mapaganda at mapagbuti ang Pilipinas, dapat ay nagbitiw na ito sa puwesto noon pa.
Pagdidiin ni de Lima sa limang taon sa Malakanyang ni Pangulong Duterte ay nabigo ito na matugunan ng tama ang mga mahahalagang isyu sa bansa.
Ayon pa sa senadora, ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte ay hitik sa drama at pagmamalaki, ngunit kulang sa sustansiya at konkretong solusyon sa mga isyu.
“Puro kuwento at drama. Pang-huling taon na, wala pa ring plano,” sabi pa nito at idinagdag pa,” “if he truly wanted the best for our country, he should have resigned a long time ago. All the accomplishments of his government, if at all, were made in spite of him, not because of him. He should spare us the theatrics and let us move forward with a leader who will deliver results instead of excuses.”
Sa obserbasyon pa ni de Lima, hindi sineryoso ni Pangulong Duterte ang mahahalagang punto at ang pagtugon ng gobyerno sa pandemya ay nabanggit lang pagpasok ng pangalawang oras ng kanyang pagsasalita.
Lumutang din aniya sa SONA ang pagkiling ng gobyerno sa China sa pag-amin na rin ng Punong Ehekutibo na hindi niya alam kung paano ipapatupad ang panalo ng Pilipinas sa ‘arbitral ruling’ sa katuwiran na hindi naman nakibahagi ang China sa proseso.
Dagdag pa ng senadora, inamin din ni Pangulong Duterte na ‘kinapos’ ang gobyerno sa kampaniya kontra droga dahil nananatili ang problema kahit nagdeklara pa ito ng ‘war on drugs.’