Hindi naging hadlang para sa isang 80-anyos na lalaki ang kanyang edad at karamdaman para abutin ang pangarap na makapagtapos ng high school.
Si Teofilo Bonites Sr., o Tatay Philo ay nagtapos ng Junior High School sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) ng DepEd sa Bacongbacong Community Learning Center sa Gasan, Marinduque.
Isa siya sa 10 ALS completer ng dibisyon at siya ang 1st Honor.
Sa impormasyon mula sa DepEd at base sa kuwento ni Chona Recto, ang Education Program Specialist II at mobile teacher ni Tatay Philo, kakaibang sipag at determinasyon ang ipinakita nito.
Umangat aniya si Tatay Philo sa pakikipag-diskusyon sa English sa pamamagitan ng public speaking.
Pinabilib din nito ang iba pang guro sa kanyang pagiging ‘techie’ at may sarili itong Facebook account at nakikipag-chat kanyang ‘friends’ sa pamamagitan ng Messenger.
“Ang edukasyon o pagnanais na matuto ay wala sa edad, kasarian, o katayuan sa buhay. Kung minsang nagkamali at nadapa ay laging may pangalawang pagkakataon para para bumangon at bumawi,” sabi ni Recto.
Dagdag pa ng guro, tutulungan nila si Tatay Philo, na nangangarap maging news reporter, na mapagtagumpayan naman ang Senior High School.