Inahalintulad ni Senate Minority Leader Frank Drilon sa COVID 19 ang usapin ng ‘Charter change’ o Cha-cha na madalas ay nabubuhay.
Reaksyon ito ni Drilon sa muling pagtutulak ng ilang opisyal ng administrasyong-Duterte at maraming miyembro ng Kamara na maamyendahan ang Saligang Batas.
Ayon pa kay Drilon halos tatlong oras ang itinagal ng huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte noong Lunes, ngunit kahit isang minuto ay walang nailaan sa Cha-cha.
Aniya sa pagkaka-alala niya, ang isinulong ni Pangulong Duterte ay ang mga ‘priority bills’ ng kanyang administrasyon at hindi kasama ang pagbabago sa Saligang Batas.
“The signal is clear: in the last year of Duterte, he will not dance the cha-cha,” pagdidiin ni Drilon.
Sinabi nito na ang sinasabing ‘economic Cha-cha’ na nais ng mga kongresista ay maari naman mangyari sa pamamagitan ng mga ‘economic bills’ na kabilang sa mga prayoridad na maisabatas.
Ayon pa kay Drilon nang magkaroon ng caucus kahapon sa Senado ukol sa kanilang legislative agenda sa pagsasara ng 18th Congress, walang senador ang nagbanggit sa ‘Cha-cha.’