Sinabi ni Senator Sonny Angara na para makabangon ang bansa sa epekto ng COVID-19 crisis, kinakailangan na mapondohan sa 2022 national budget ang lahat ng inilatag na mga plano ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.
“If dreams don’t get funded, they’ll remain as such. Historically, the post-SONA challenge is how to translate the language of the SONA into budget language,” sabi nito.
Isinalarawan niya ang ihihirit ng Malakanyang na 2022 national budget bilang ‘down payment’ para sa pagbangon ng Pilipinas.
Ngunit dagdag pa ng senador, nailatag na ang pundasyon para sa pagbangon at ang tinutukoy niya ay ang mga programa at batas para sa pagpapasigla ng ekonomiya.
“Meron ng free college to train our youth. Nandyan din ang Universal Health Care. On the economic front, we are retooling the way we do business, encourage start-ups, retain talent and attract investments in order to create good paying jobs for our people,” sabi pa nito.
Paniwala lang ni Angara kinakailangan na maging mabilis ang pagkilos ng gobyerno sa pamumuno sa pagtahak sa daan ng pagbangon ng bansa.