QCPD Dir. Antonio Yarra, pinagpapaliwanag sa umano’y hindi pagsunod sa kasunduan sa mga raliyista sa SONA

Screengrab from Jan Escosio’s video/Radyo Inquirer On-Line

Pinagsusumite ni Quezon City Mayor Joy Belmonte si Quezon City Police District (QCPD) Police District Chief Antonio Yarra ng written explanation upang bigyang-linaw ang mga alegasyon ng mga militanteng grupo ukol sa kanilang naging programa sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, Lunes ng hapon (July 26).

Sinabi ng mga nag-organisa ng kilos-protesta na hindi sumunod ang mga pulis sa kasunduan.

Sa kabila ng pagsunod sa kondisyon na pagtalima sa health protocols, kabilang ang pagsusumite ng lahat ng pangalan at contact details ng mga nakiisa sa rally, hindi umano sumunod ang QCPD sa kasunduan matapos silang harangin habang nagmamartsa sa bahagi ng Commonwealth Avenue na nagresulta sa komosyon.

Ayon sa mga lider ng grupo, kung walang nakaharang na barrier sa bahagi ng Commonwealth Avenue, naging payapa at natapos sana sa takdang oras ang kilos-protesta.

“Some police official decided to put up orange barriers along Commonwealth Avenue to block the march, in violation of the agreement with the QC LGU and PNP command that marchers would be allowed to reach St. Peter’s Chapel in Tandang Sora. Kaya ngayon barado ang daan,” banat ni dating Bayan Muna partylist Representative Teddy Casiño sa kaniyang tweet.

Tumawag si Casiño kina Belmonte at PNP Chief Guillermo Eleazar upang masabihan ang kanilang mga tauhan na sumunod sa kasunduan.

Humiling pa si Casiño na alisin ang orange barriers at payagan ang pagmartsa upang makaabot sila sa kanilang destinasyon.

Isang araw bago ang SONA rallies, idinetalye ng rally organizers ng kanilang plano upang maging maayos ang kanilang programa habang sinusunod ang minimum health protocols.

Naipadala ang naturang plano at inaprubahan nina Eleazar at Interior Secretary Eduardo Año sa pamamagitan ni Belmonte.

Ang naturang aktibidad sa SONA ang kauna-unahang pagkakataon na sumang-ayon ang Quezon City government, QCPD at ilang militanteng grupo na magtulungan para mapagtibay ang karapatang pantao, health at constitutional rights.

Read more...