Milyun-milyong halaga ng pabuya ang ibibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz.
Ito ay matapos masungkit ni Diaz ang gintong medalya sa Olympic sa loob ng 97 taon.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi na muna niya tutukuyin kung magkanong halaga ang ibibigay na pabuya ng Pangulo.
Pero ang tiyak, ayon kay Roque, ay madadagdagan pa ito.
Kasabay nito, aminado si Roque na hindi sapat ang ayuda ng pamahalaan sa mga atleta.
“Well, hindi ko po sasabihin na talagang sapat ang binibigay nating financial support. Gaya ng sinabi ko po ‘no, na aktibo po ako doon sa sport na Pencak Silat at alam ko po talaga kulang. Para nga pong minimum wage nga lang ang nabibigay nating allowance doon sa mga atleta natin,” pahayag ni Roque.
Kahit hindi sapat ang ayuda, sinabi ni Roque na maituturing na ‘game changer’ ang pagkakapanalo ni Diaz.
“Titingnan po natin kung paano natin mababago ito dahil napakita natin na kung kulang—na ganoong kulang talaga ang suporta natin eh nananalo pa rin ng ginto, siguro mas maraming mananalo ng ginto ‘no kung medyo itataas natin iyong tulong na ibinibigay natin sa mga atleta,” pahayag ni Roque.
“I think itong victory na ito is also a game changer for Philippine sports. Ito po iyong dahilan siguro kung—dahilan para pag-isipan ng ating mga policymakers na kinakailangan talaga maglaan nang mas malaking suporta sa ating mga atleta dahil iyong kanila namang mga panalo ay panalo ng buong Pilipinas at hindi lang ng ating mga manlalaro,” dagdag ng kalihim.