Palasyo, dumistansya sa pagdadawit ni Hidilyn Diaz sa matrix na plano umanong patalsikin si Pang. Duterte

Photo grab from PCOO Facebook video

Dumistansya ang Palasyo ng Malakanyang sa pagdadawit kay Tokyo Olympic gold medalist Hidilyn Diaz sa isang matrix nagdadawit sa planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, wala siyang ibinibintang na kahit na anong uri ng destabilisasyon laban kay Diaz.

“Hindi ko po alam kung ano iyong sinasabi ninyong matrix kasi sa tanggapan ko po at iisa lang po ang opisyal na spokesperson ng gobyerno – ako lang po iyon – eh wala po kaming ganiyan ‘no,” pahayag ni Roque.

Taong 2019 nang ilabas noon ni dating Presidential Spokesman Salvador Panelo na dawit umano si Diaz at Magdalo group sa planong pagpapatalsik sa puwesto kay Pangulong Duterte.

Sa kabila nito, sinabi ni Roque na nakaukit na sa kasaysayan ang pangalan ni Diaz.

“Pero iuukit po natin sa kasaysayan ng Pilipinas ang pangalan ng Hidilyn Diaz at ayaw ko munang ianunsiyo dahil baka mapalaki pa. Pero milyun-milyon po ang pinangako ng Presidente para doon sa makakakamit ng gintong medalya at ang pribadong sektor ay naglaan din ng milyun-milyon. Ayaw ko lang pong sabihin ang exact figure dahil nais ko pang tumaas kaysa bumaba doon sa figure na alam ko ‘no dahil Hidilyn truly deserves it. Kung anuman iyong pagkukulang sa training, I’m sure na mababawi po lahat iyan doon sa generosity hindi lang po ng pamahalaan kung hindi ng pribadong sektor dahil she truly made us proud,” pahayag ni Roque.

Ayon kay Roque, ang tagumpay ni Diaz ay tagumpay ng bayan.

“Hindi po mababayaran ng salapi ang tagumpay ni Hidilyn pero hayaan naman nating ipakita ang ating pagmamahal sa kaniya sa pamamagitan nang pagbigay ng hindi lang po ng congratulations kung hindi pabuya sa kaniyang mga nakamit,” pahayag ni Roque.

Read more...