Nang talakayin ang paglaban ng gobyerno sa korupsyon at ilegal na droga sa kaniyang huling State of the Nation Address (SONA), sinabi ng Pangulo na siyam na police general ang iniuugnay sa drug trafficking.
Siniguro ni Eleazar na mahigit niyang babantayan ang imbestigasyon ukol sa alegasyon.
Iginiit nitong muli na walang lugar ang mga tiwaling pulis sa kanilang hanay.
“Iimbestigahan nating mabuti ang bagay na ito. Aalamin at tutukuyin natin ang matataas na opisyal sa PNP na sinasabing sangkot sa iligal na droga,” pahayag nito.
Dagdag ni Eleazar, “Uulitin ko, walang puwang sa organisasyon para sa mga tiwaling pulis, lalo na ang sangkot sa iligal na droga.”
Inihayag na ni Surigao del Norte Representative Robert “Ace” Barbers na itutulak niya ang pagsasagawa ng congressional inquiry sa kaso ng siyam na police generals.