Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), sarado pa rin ang dalawang national road sections sa Cordillera Administrative Region, habang tig-isa naman sa Region 3 at 4-B.
Base sa ulat hanggang 7:00, Martes ng umaga (July 27), tinukoy ng DPWH Bureau of Maintenance ang mga sumusunod na kalsada na sarado pa sa publiko; Baguio-Bontoc Road K0362+600, Busa Bridge, Sabangan, Mt. Province; Abra – Kalinga Road, K0487+250 at K0489+900 sections sa Gacab, Malibcong, Abra; Junction Layac Balanga Mariveles Port Road Zigzag Section K0160+000 sa Bataan; at Mindoro West Coastal Road, K0353+900, Pag-asa Section, sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Samantala, dalawang kalsada sa Pampanga ang baha pa rin kaya sarado pa sa light vehicles.
Kabilang dito ang Apalit Macabebe Masantol Road, K0062+600 – K0063+400, sa Calsada Bayu, Sta. Lucia Matua, Masantol at Sto Tomas – Minalin Road (Minalin- Macabebe Section), K0072+500-k0073+300.
Muli namang binuksan ang 22 national road sections na dati’y isinara bunsod ng monsoon rains.
Kasama rito ang tig-pitong kalsada sa CAR at NCR, isa sa Region 1, lima sa Region 4-A, at dalawa sa Region 4-B.