PNP nagpasalamat kay Pang. Duterte sa pagtutulak ng free legal assistance, unified pension system sa MUP

Photo credit: General Guillermo Eleazar/Facebook

Nagparating ng pasasalamat si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtutulak ng libreng legal assistance para sa mga pulis at sundalo

Sa kaniyang huling State of the Nation Address (SONA), umapela ang Pangulo sa Kongreso na ipasa ang batas na makapagbibigay ng libreng legal assistance sa mga sundalo at pulis upang maasistihan sa mga kasong na may kaugnayan sa mga insidente kung saan ginawa nila ang kanilang tungkulin.

Welcome sa hepe ng pambansang pulisya ang naging pahayag ng Punong Ehekutibo na malaking tulong ito sa kanilang hanay.

“Bilang ama ng organisasyon nagpapasalamat ang PNP kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang layunin na mabigyan ng free legal assistance ang ating kapulisan na nahaharap sa kaso dahil sa pagtupad sa tungkulin,” pahayag ni Eleazar.

Dagdag nito, “Malaki ang maitutulong nito sa amin lalo na sa mga pulis na walang kakayahang magbayad ng abogado.”

Nagpasalamat din ang PNP Chief kay Pangulong Duterte sa pagtutulak ng unified pension system para sa lahat ng uniformed personnel.

“Gusto din namin pasalamatan ang Pangulo para sa pagsusulong niya sa unified pension system para sa lahat ng uniformed personnel. Lubos ang ating pasalamat sa malasakit ng ating mahal na Pangulo na tinitiyak ang sapat at tamang benepisyo para sa mga miyembro ng unipormadong serbisyo,” ani Eleazar.

Aniya, “Malaking bagay ito para sa mga nagsakripisyo at nag-alay ng matagal na panahon sa pagsisilbing tapat sa sinumpaang tungkulin para proteksyunan ang bayan at mamamayan.”

Tiniyak ni Eleazar na makikiisa ang PNP sa diskusyon sa mga panukalang batas sa Kongreso.

Read more...