Ekonomiya napabayaan na ng administrasyong-Duterte bago pa ang COVID 19 crisis

Napabayaan na ang ekonomiya bago pa man dumating ang pandemya.

 

Ito ang sinabi ni Sen. Leila de Lima bilang reaksyon sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte kahapon.

 

Diin nito, mali na sabihin ni Pangulong Duterte na gumaganda na ang ekonomiya ng bansa nang biglang dumating ang pandemya.

 

“Our economy, with investor confidence, was poised to leapfrog into the company of the world’s fastest-growing economies until COVID-19 pandemic stole everything,” ang binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang huling SONA.

 

Sinabi pa ni de Lima na mali ang mga istratehiya at prayoridad ng Punong Ehekutibo sa pagharap sa pandemya, bukod sa inakusahan nito ang huli na ‘patulog-tulog’ sa trabaho.

 

“Pag tutulog-tulog ka talaga sa pansitan, lalo na ng simula ng COVID, anong aasahan nya? Kumbaga sa basketball, champion na sana kung hanggang 3rd quarter lang,” diin nito.

 

Dagdag pa niya, sa ilalim ng administrasyong-Noynoy Aquino noong 2015 kinilala sa buong mundo ang Pilipinas bilang ‘most promising economy’ at aniya nagbago ito nang maupo si Pangulong Duterte.

Read more...