Bilang ng COVID-19 deaths sa Quezon, posibleng tumaas

Quezon Province map

May posibilidad na tumaas ang bilang ng mga nangamamatay sa COVID-19 sa lalawigan ng Quezon kung hindi ipalalabas ng Pamahalaang panlalawigan sa ilalim ni Governor Danilo “Danny” Suarez ang pondong nailaan na sa pasweldo sa health workers at pambili ng medical supporting equipment.

Sa tala ng Department of Health (DOH), aabot na sa 700 kaso ng pagkamatay sa COVID-19 samantalang mahigit 16,000 naman ang apektado ng nasabing virus.

Sa ilalim ni Suarez, ang lalawigan ang may pinakamataas na bilang ng COVID-19 infections at nagtala lamang ng 1.2 porsyentong vaccination rate ang probinsya kumpara sa iba pang lalawigan sa CALABARZON.

Sa panayam kay Sonny Ubana, board member at Majority Floor Leader ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon sa programang Dos por Dos sa DZRH, sapat ang pondong inaprubahan ng kanilang lalawigan para sa pasweldo sa regular at contractual employees ng Quezon.

Bagamat re-enacted ang budget ng lalawigan, sasapat ang alokasyong P75.5 milyon noong 2020 na inaprubahan mismo ng gobernador.

Ani Ubana, Bagamat mas mababa ito sa P102 milyong inilaan para sa pasweldo noong 2019, may sapat na pera ang pamahalaang panlalawigan para tuluy-tuloy na makatanggap ng sweldo ang mga empleyado ng kapitolyo.

Ipapasa sana ng Sangguniang Panlalawigan ang 2021 panukalang budget ng gobernador kung hindi natuklasan ng walong miyembro ng board ang mahigit P200 hanggang P300 milyong mga proyekto na wala sa annual investment plan na ipinanukala mismo ni Governor Suarez at aprubado ng board.

Hindi rin aniya tugma ang panukalang 2021 budget sa isinapublikong layunin ni Suarez na maglaan ng mas malaking pondo para sa kampanya laban sa COVID-19.

Sa budget ng gobernador, kinaltasan ng mahigit 20 porsyento ang pondo sa mga ospital at inilaan ito sa pagpapagawa ng mga kalsada at basketball court.

Ayon kay Ubana, ginagawa lamang ng walong board members ang kanilang sinumpaang tungkulin bilang mga halal na opisyal na protektahan ang pondong bayan.

Hindi umano naaayon sa direktiba ng Department of Interior and Local Governments (DILG) at Department of Budget and Management (DBM) na ipasa ng pamahalaang panlalawigan ang mga proyektong walang sapat na pag-aaral at papupuntahan.

Kailangang nabusisi at tiyak na nakasaad kung saan pupunta ang kahit isang kusing na pondo ng mga mamamayan ng Quezon, ayon kay Ubana.

Read more...