Mister ni Sen. Poe, inireklamo sa Bureau of Immigration

 

Inquirer file photo

Inireklamo ni dating Sen. Kit Tatad sa Bureau of Immigration (BI) ang asawa ni Sen. Grace Poe, kaugnay sa posibleng iligal na pananatili nito sa bansa.

Base sa reklamong inihain ni Tatad, bagaman parehong Pilipino ang mga magulang ni Teodoro Daniel Misael Llamanzares, sa Estados Unidos naman siya ipinanganak.

Naging bahagi rin si Llamanzares ng US Air Force mula noong 1988 hanggang 1992, at nagtrabaho naman sa Scientific Applications International Corporation (SAIC) mula Nobyembre 2004 hanggang April 2006.

Dahil ang SAIC ay ang major contractor ng US intelligence agencies, nai-talaga rin siya sa mga ahensya tulad ng National Security Agency (NSA), Central Intelligence Agency (CIA) at Defense Intelligence Agency (DIA).

Dumating siya sa Pilipinas noong 2006 at nag-trabaho sa San Miguel Corp.

Ayon kay Tatad, tanging si Poe at kaniyang mga anak lamang ang nagpa-dual citizenship, at may mga sources aniya siya sa BI na nagsasabing walang pending na aplikasyon si Llamanzares para papalitan ang kaniyang citizenship.

Aniya, para sa BI, isa pa ring US citizen si Llamanzares, at wala rin aniya itong karampatang permit para makapagtrabaho sa bansa.

Paliwanag ni Tatad, ang sinumang dayuhan na nais magtrabaho sa bansa ay dapat na makakuha ng work visa mula sa BI.

Nilinaw naman ng dating senador na hindi niya hiling na ma-deport si Llamanzares, bagkus ay nais lang niyang linawin ang isyung ito dahil sa huling presidential debate, sinabi ni Poe na nakapag-renounce na ng kaniyang US citizenship ang asawa niya.

Read more...