Kumpiyansa ang Malakanyang na sakaling tumakbo at manalong bise-presidente si Pangulong Duterte sa eleksyon sa 2022, hindi nito sasapitin ang nangyari kay Vice President Leni Robredo.
Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque ang paghihirap ni Robredo sa administrasyon ay bunga na rin ng sarili nitong desisyon na pamunuan ang oposisyon.
Paalala ni Roque na binigyan na ni Pangulong Duterte ng mga pagkakataon si Robredo na maging bahagi ng kanyang gabinete ngunit panay pa rin ang banat ng huli.
Ito aniya ang dahilan kung bakit naging tila palamuti na lang ng kasalukuyang administrasyon si Robredo.
Reaksyon ito ng Malakanyang sa naging pahayag ni Robredo na umaasa siya na hindi dadanasin ni Pangulong Duterte ang dinanas niya sakaling mapili ang huli bilang kapalit niya sa puwesto.