Gusto ni Senator Sherwin Gatchalian na magkaroon ng reporma sa sistema ng edukasyon para sa mga nais maging guro sa bansa.
Ayon kay Gatchalian nararapat na sa pre-service training ng mga nangangarap na maging guro ay magkaroon na sila ng mas na kalidad pa ng edukasyon at pagsasanay.
Aniya ang pag-reporma sa teacher education system ay isa na sa mga inirekomenda ng pinamumunuan niyang Senate Committee on Basic Education matapos kilalanin ang krisis sa edukasyon noon pang nakaraang taon.
Sinabi pa ng senador na madali na magdeklara ng krisis base sa kalidad at antas ng edukasyon na nakukuha ng mga estudyante, ngunit ang mas mahalagang gawin ay gumawa ng mga hakbang para tugunan ang sitwasyon.
Puna ni Gatchalian, mula 2010 hanggang 2019, 35 porsiyento lang ng mga kumuha ng Licensure Examination for Teachers (LET) ang nakapasa para sa secondary level at 28 porsiyento lang sa elementary level.
Ito ang nagtulak kay Gatchalian para ihain ang Senate Bill No. 2152 o ang Teacher Education Excellence Act para pagbutihin pa ang kalidad ng edukasyon para sa mga nangangarap na maging guro at ito naman aniya ang magiging daan para sa tumaas din ang kalidad ng itinuturo sa mga bata at kabataan.