Batangas tumanggap ng tulong mula kay Senator Bong Go

Bumisita si Senator Christopher “Bong” Go sa bayan ng Laurel, Batangas para abutan ng ayuda ang mga inilikas na residente. Ang mga pamilya ay kabilang sa mga inilikas dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Taal. “Mga kababayan ko, alam kong mahirap ang panahon ngayon. Nandito pa tayo sa gitna ng pandemya, tinamaan pa tayo ng nag-aalburutong Taal. Magtulungan lang po tayo,” ayon kay Go. Katuwang ang mga ahensya ng pamahalaan, nagsagawa ng relief operation si Go sa Laurel Municipal Hall para sa 1,004 beneficiaries na tumanggap ng grocery packs, meals, masks, face shields, at vitamins. Mayroon ding nakatanggap ng mga bagong pares ng sapatos, bisikleta at computer tablets. Nagkaloob din ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development ng tulong-pinansyal sa mga resdiente habang ang Department of Health ay nagbigay ng dagdag na mga gamot at bitamina. Katuwang din sa relief operations ang  mga kinatawan mula sa Department of Agriculture na nangakong tutulungan ang mga livestock owners para mailikas ang kanilang mga alagang hayop na dadalhin sa temporary shelters. Habang ang Department of Trade and Industry ay nagsagawa ng on-site assessment para sa mga kwalipikadong mabigyan ng livelihood support. May mga staff din mula sa Jaime Ongpin Foundation ang namigay naman ng grocery packs. Ayon kay Martha Endoso na mayroong 10 anak, matindin ang naging epekto sa kanila ng pag-aalburuto ng bulkan. “Senador Bong Go, ako ay nagpapasalamat sa inyo ng maraming-marami at maraming tao kayong natutulungan dito sa aming lugar. Salamat ng maraming marami sa inyo at sana ho ay huwag kayong makakalimot sa amin,” ayon kay Endoso. Dahil mataas ang banta ng kalamidad sa Pilipinas, iginiit ni Go ang pagbuo ng department for disaster resilience. Inihain ni Go ang Senate Bill No. 205 noong 2019 na layong magkaroon ng Department of Disaster Resilience sa bansa na ang pangunahing responsibilidad ay ang pagtitiyak na ang mga komunidad ay well-adapted, resilient at ligtas sa epekto ng climate change. Sa ilalim ng panukala, bubuo ng DDR na magiging responsable sa disaster preparedness at response. Ang DDR bill ay nabanggit na noon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang State of the Nation Address bilang isa sa priority measures ng kaniyang administrasyon. “Ako po ay hindi titigil at hindi mawawalan ng pag-asa. Isa po sa na-file ko sa Senado ang Department of Disaster Resilience (bill) kasi kailangan po nating i-scale up po ang preparedness to resilience. So ibig sabihin, hindi lang nakahanda, talagang kaya na natin makatayo muli kapag tinamaan tayo ng bagyo o pagputok ng bulkan o earthquake,” dagdag ni Go. Pakiusap naman ni Go sa mga evacuees, sumunod sa health protocols para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19. Bilang chairman ng Senate Committee on Health and Demography, hinikayat din ni Go ang lahat na magpabakuna laban sa COVID-19. “Nakikiusap po ako sa mga kababayan kong Batangueño na magtiwala po kayo sa bakuna. Nakikita ko po kanina na marami pa pong takot magpabakuna, kaya andito po ako to encourage them na ang bakuna po ang tanging susi o solusyon para unti-unti na tayong bumalik sa normal na pamumuhay,” dagdag ni Go. Sa mga nangangailangan naman ng tulong-medikal, sinabi ni Go na maaring lumapit sa Malasakit Centers na nasa Batangas Provincial Hospital sa Lemery at sa Batangas Medical Center sa Batangas City. “Ngayon, kung hindi kayang operahan dito sa Batangas, magsabi lang po kayo. Huwag ho kayong mag-atubiling magpa-hospital. Huwag n’yo na pong alalahanin ang inyong babayaran… tutulong po kami,” pagtitiyak ni Go. “Batangueno rin po ako… kahit na lumaki kami sa Davao, ang lolo’t lola ko ay dito lang sa Sto. Tomas at tsaka sa Tanauan kaya magkapitbahay lang po tayo. Lapitan niyo lang ako dahil patuloy akong magseserbisyo sa kapwa kong Pilipino. Hindi namin kayo pababayaan mga kapwa kong Batangueno,” pagtatapos ni Go.

Read more...