Bagong bukas na Central Luzon Link Expressway magbibigay ng mas maginhawang biyahe sa mga residente sa Central Luzon – Sen. Bong Go
By: Chona Yu
- 3 years ago
Tiniyak ni Senator Christopher “Bong” Go na magpapatuloy ang infrastructure programs ng pamahalaan na bahagi ng pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabigyan ng kumportableng pamumuhay ang mga mamamayan.
Kamakailan ay dumalo ang senador sa pagbubukas ng 18-kilometer section ng Central Luzon Link Expressway project kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Go na sa ilalim ng Build, Build, Build program, ay maisasakatupara ng unti-unti ang pangako ng pangulo na bigyan ng mas komportableng buhay ang mga Filipino.
“Sa ating Build Build Build program, unti unti na nating maisasakatuparan ang pangako ng Pangulo na bigyan ng mas komportableng buhay ang mga Pilipino. ‘Di na kailangan mahirapan pa ang mga kababayan natin lalo na sa Central Luzon dahil mas magiging mabilis at maayos na ang kanilang biyahe,” ayon kay Go.
Sa pagbubukas ng bagong kalsada, mababawasan ang biyahe sa pagitan ng Cabanatuan City at Tarlac City mula sa 70 minuo hanggang 20 minuto na lamang kapag ito ay naging fully operational.
Sa ilalim ng Build, Build, Build program ng Duterte Administration mayroong daan-daang infrastructure development projects ang inilatag sa buong bansa.
Layunin ng programa na maibsan ang kahirapan, mapalakas ang ekonomiya at maibsan ang matinding pagsisikip ng traffic sa Metro Manila.
Mula July 2016 hanggang December 2020, nakumpleto na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagtatayo, renovation, at improvement ng 26,494 kilometers na kalsada; 10,376 flood control structures; at 5,555 na mga tulay.
Kabilang sa natapos na ay ang Metro Manila Skyway Stage 3, San Fernando By-pass Road, Bulacan Pulilan-Baliuag Diversion Road, Sorsogon City Coastal By-Pass Road, TPLEX-Luzon Spine Expressway Network, at ang Urdaneta City By-pass Road.
Noong June 12 ay nabuksan na din sa mga motorista ang BGC-Ortigas Center Link Roads, na nagkukunekta sa Taguig, Makati, at Pasig.
Nakatulong ito upang maibsan ang masikip na daloy ng traffic sa Guadalupe sa EDSA.
Habang ang Binondo-Intramuros Bridge ay na sa 70 porsyento nang kumpleto.
Tinatayang 30,000 sasakyan ang makikinabang sa nasabing tulay sa sandaling matapos ito ngayong taon.
Ang Estrella-Pantaleon Bridge na nagdudugtong sa Mandaluyong at Makati, ay inaasahan na ding matatapos ngayong buwan.
Tiniyak naman ni Go sa publiko ang patuloy na suporta sa infrastructure projects na mapakikinabangan sa mga rehiyon sa bansa.
“Bilang inyong Senador, asahan niyo po lagi kong isusulong ang mga proyekto, panukala at adhikain na makakatulong sa bawat Pilipino,” ayon kay Go.
Kamakailan inihayag ni Goa ng suporta sa konstruksyon ng New Manila International Airport project sa Bulacan.
Ani Go, ang nasabing paliparan ay makatutulong para makalikha ng mga bagong trabaho at economic opportunities sa labas ng Metro Manila.
Makapagbibigay din ito ng pangkabuhayan sa maraming Filipino lalo na ang mga naapektuhan ng pandemya.
“Walang humpay ang ating paglilingkod. Pinag-aaralan natin ang lahat ng posibleng paraan na maaaring makapagpabilis sa daloy ng serbisyo at makatulong sa ating mga kababayan. Para naman sa amin ni Pangulong Rodrigo Duterte, basta kapakanan ng mga Pilipino, ipaglalaban namin ‘yan hanggang sa huli,” ayon pa sa senador.